TULA : Tao ni V.C. Suarez

TAO

—Bakit ba ang tao’y nagkakandarapang
humabol sa takbo ng kanyang orasan?
Maitatayo ba sa iisang iglap
ang sariling Roma? Ang nag-uunahang
mga matang haling sa ambrosya’t katas
ng Eden, ay Adang sa sala’y pasasa.

Ano’t nagpipilit: puso’y nag-aalpas
gayong sa simula ng kanyang pagpitlag
ay nakagapos na at nakukuralan
ng batas ng Diyos, ng sangkalikasa’t
ng lipunan niyang di kayang malabag?

Ano bang paglaya, at nagkukumagkag
sumunod sa bills ng mga sandali?
Saan ba hahantong ang hakbang at tik-tik
kundi sa landasing mabako, maikli?
Sukat na ang dulo’t ang pinaka-abang
ay ang kamatayang tuwa’t nanginginig
magsawa sa apdo ng malansang tanan?

—Oo nga, bakit ba nais makadaong
sa kabilang buhay, gayong di pa tukoy
ng sagwan ng tao kung saan naroon?

Ang tulang ito ay akda ni V. C. Suarez.