TULA: Paalam

Paalam

ni Aaron Joshua Altomia

Nandirito nanaman ako sa madilim na sulok,
Umaasa, nasasaktan at mangyaring nakakasulasok.
Pagkalungkot ng sarili’y kailangang tugunan,
At ang nagbabadyang kasiyahan ay dapat lang na mapunan.

Ang pagpaskil sayong mga larawan,
Ang patuloy na walang sawang pagpaparamdam,
At ang mga paglingon sayong makapigil-hininga
Hanggang alaala nalang pala.

Sa mga pag-ikot at bawat pagtigil ng oras;
Sa kakarampot na pag-asa na sayo nga ay tumaliwas;
Sa bawat pagluha na pinapanalanging dinggin,
Oo, ito na nga,sapagkat bakit may kulang?

Yun bang sa mga espasyo? Siya yung laman.
Sa bawat lugar? Siya yung daanan;
Marahil hindi na nga ito mangayayaring muli,
Kahit sa huling paghiling na makapiling kang kahit sandali.

Sa bawat pagtara ko sa mga numero sa kalendaryo,
Hinding-hindi naisip na sayo’y sumuko.
At dahil nga hanggang dito nalang,
Ito ang aking una’t huling paalam.


Leave a Comment