Tula : Kay Inay (To Mom)


This Tagalog poem was written by Filipina poet Emelita Perez Baes. It is a poem by a daughter about a mother on her 59th birthday.


KAY INAY

Sa aking kamusmusang
balot ng kalungkutang iniwanan ni Itay,
sa mulat kong paningi’y
naiwanan ang latay na naumang kay Inay;
labing-anim na matang
ipinauunawa’y lantay na pagmamahal,
ang kanyang kinapiling sa pakikipaghamok sa kinaparoonan!

May aninaw ng dilim
ang wisik ng siphayong sa puso ay pangwindang,
na kanyang katuusan
upang ang mga bunso sa aral ay tustusan;
ito’y mga gawing
di malirip ng diwa’t di mabata ng laman ngunit magpapayabong
ng walong pintig buhay at walong kaisipan.

Haba ngang nagtatagal
ay lalong bumibigat iyang mga dalahin
nitong mahal kong Inang
may matibay na. dibdib sa dusa at tiisin;
at iyang mga supling
na kulang pa ang malay ay kung pakaisipin
kanyang naitaguyod
sa sipag at tiyagang kay hirap patigilin!

May kurus s’ya sa dibdib
handang magpakasakit at handa ring magtiis,
mayroon siyang sagot
at laging handang tugon sa mga suliranin;
mapagpala n’yang kamay
panghaplos ng dusa at panlunas sa sakit,
mapagmahal na dibdib
ay mapagsusukdulan ng mga hinanakit.

Kinalong niyang lahat
iyang kapalaluang katambal ng pagluha
at sa silid ng puso’y
binigyang puwang niya, lahat ng mga hiwa;
may hapdi man ang sugat
na wala ng panlunas sa gasgas na hiwaga,
karamay pa rin siya
sa lahat ng sandaling pagkapariwara.

Ngayon nga’y kaarawan
ng aking sintang ina . .. ika-limampu’t siyam,
may putong siyang koronang
mula sa ating Poong sa kanya ay gumabay;
sa nagdaang panahon
ng pagpapakasakit at tinamong tagumpay
marmol siyang bantayog
niyang kadakilaang walang makakapantay!

Siya nga ang babaing
aking dadakilain sa lahat ng panahon,
ngayong may isip na ko’y karapatan ko lamang na siya’y ipagtanggol;
ipalasap sa kanya —
itong pasasalamat na sa puso ay taos,
ang kumot ng ginhawa’y
ilulukob sa kanya ng buong pagkalugod!

Sa kanya ay alay ko
ang halik ng pagsinta at ng mga pag-irog
at mga panalanging
nawa’y pagkalooban ng dugong dumadaloy
ang nalalabing buhay
na sa ugat ng puso ay pait ang bumalong
nang kahit na sang saglit
banaag na ligaya sa kanya’y mapakalong!