TULA : Ang Lola (The Grandmother)

This Tagalog poem written by poet Rolando Tinio is about a typical Filipino family.


ANG LOLA

Nakapuwesto sa paboritong lugar,
parang nakakuwadro sa bentanilya ng kumidor, inis
sa inaaninaw ang di makilalang alas sais—
areglado nang umandar.

Hinaharap ang lahat na dapat magsipanik na ng bahay:
mga lasenggo’t sugarol, imbi’t tampalasan, mga tarantado
silang wala nang inatupag kundi maglandian sa lansangan.

Pati na yata ang araw na di pa kursunadang pagbigyan
ang nagririnyegong karimlan.
Walang awat silang kinakatkatan ng Lola
gayung-kasi’y may pagkauliyanin na —
hindi na matandaan kung sinu-sino sila.
Hindi na matandaan ang puno’t dulo ng paghihimagsik
na parang atakeng nandiyan na lang tuwing alas sais.
Orasyon — biro namin — panatang walang hanggan
nang di raw mapariwara ang kaluluwa ng lansangan.

At ayaw gambalain ang mga litanya,
tahimik ang Ate sa pamamalantsa.
Nagdidilim ang mukha. Maaga pa naman daw,
ayaw pang gaasan ang ilaw.

At ang Nanay, napisikan yata ng mantika,
marahang tinatangisan ang pinipritong hasa-hasa.
At si Bulilit, pagkahatid ng tatal sa kusina,
nakangising naupo sa sala,
minataan ang abuwela.
Siguro’y alas sais medya na.

Kahit tapos na ang mga seremonya,
nakadambana pa rin ang da-matan sa bentanilya.
Nahapo rin pala:
napikit ang mga mata, nalaglag ang panga,
ika nga’y bumunot sa dibdib ng buntong hininga —
parang humanda namang atupagin
ang di masansalang pagdidilim.