Talumpati sa Araw ng Kalayaan

This speech was given in the Filipino language by President Gloria Macapagal-Arroyo during the 103rd Independence Day Celebration on June 12, 2001, at the Quirino Grandstand in Luneta.

Maraming salamat Secretary Richard Gordon.

Ang aking kabiyak, si Attorney Jose Miguel Arroyo; ang akin namang kabalikat sa pagpatakbo ng pamahalaan, si Vice President Teofisto Guingona, kasama na rin yung ibang mga kasapi ng gabinete; His Excellency Antonio Franco and the other members of the Diplomatic Corps; ating mga sundalo at mga pulis; mga kasapi ng senado; mga kasapi ng kamara; napakaraming narito, itong araw na ito -- yung ating mga justices kasama na rin yung mga nagbibisita mga justice galing sa ibang bansa; mga opisyal ng pamahalaan; mga bisita; kayo, aking mga minamahal na kababayan:

Happy Independence Day sa inyong lahat.

Sa araw na ito ay ginugunita natin ang pagka-proklama ng kalayaan ng bayang Pilipinas.

Sa araw na ito ay tumatanaw tayo sa nakaraan.

Isandaan at tatlong taon na ang nakalipas mula noong nag-proklama sa Kawit, Cavite, ang ating kasarinlan; at kung saan ay winagayway ang ating bandila, at tinugtog ang ating pambansang awit, bilang pagsilang ng isang bansang may karapatang maging malaya.

Bilang inyong pangulo, isang malaking karangalan para sa akin na batiin kayong lahat sa pagdiriwang ng 103rd na anibersaryo ng kalayaan ng ating bansa.

Muli pong mapagmalaki ng bawat pilipino ang naging tagumpay kamakailan lamang ng demokrasya sa ating bansa.

Ang araw ng kalayaan itong taong ito ay dapat higit na makabuluhan dahil dito sa mga panibagong tagumpay ng ating kasaysayan. Ang pagpanalo ng taong-bayan sa Edsa dos. Ang nabigong pagsisikap ng mga ambisyosong puwersa sa pagsamantala sa madla, at ang ating halalang nasyonal at lokal noong mayo katorse -- lahat nito ay muling pinapatibay ang determinasyon ng Pilipino na manirahang malaya, demokratiko, at may dignidad sa bansa.

Sa araw na ito ay ginugunita natin ang nakaraan upang muling sariwain ang kagitingan ng lahing pilipino. At sa pamamagitan ng alaalang ito ay manumbalik sa atin ang lakas ng pagkakaisa at determinasyong magtagumpay at manguna sa anumang hamon ating haharapin sa mga darating pang panahon.

Sa lugar na ito, kung saan iginarote sina Padre Gomez, Burgos at Zamora; kung saan pinaslang ang ating pambansang bayani na si Jose Rizal; kung saan pinatay ng mga kastila ang maraming miyembro ng katipunan, tayo'y pinapaalala na ang ating kalayaan by pinagbuwisan ng buhay ng ating mga bayani.

Dito sa Luneta, limampu't-limang taon nang nakaraan, ay itinaas muli ang bandila ng Pilipinas at ibinaba ang bandila ng Amerika at tayo'y naging isang malayang republika muli.

Dito rin sa Luneta ay prinoklama ng aking ama ang petsang ito bilang araw ng kasarinlan.

Habang nagdiriwang tayo nitong napaka-espesyal na pangyayari, alalahanin natin hindi lamang ang ating mga panibagong tagumpay kundi na rin ang mga hirap at pakikibaka ng ating mga ninuno upang gawin ang paraan para sa kalayaan ng Pilipinas. Hayaan ang kanilang dakilang sakripisyo maging inspirasyon natin habang tayo ay sumisikap ngayon na palakasin ang ating minamahal na republika bilang isang makapangyarihang ekonomiya at isang buhay ng dignidad at kapayapaan para sa bawat pilipino. Hayaan natin ang mga aral ng nakaraan, kasama ng siglo ng kasalukuyan na magbigay sa atin ng sipag at inspirasyon na kailangan natin upang makamit natin ang ating bahagi ng responsibilidad bilang pilipino sa siglo beinte-uno. Noon, nagkaisa tayo ng pagmamahal sa mga simbolo ng kasarinlan at kalayaan na ipinakita at narinig sa Kawit, Cavite: ang ating bandila, ang ating pambansang awit, ang ating mithiin na hindi na muling mapailalim ang ating tinubuang lupa sa anumang banyagang bansa.

Sa ating pagkakaisa noong mga nakaraang panahon, napakita ng Pilipinas na kaya niyang manguna sa sandaigdigan.

Ang pagdeklara ni heneral aguinaldo ng ating kasarinlan ang simula ng pagkatatag ng unang republika sa buong asya. Ito rin ang unang matagumpay na rebolusyon laban sa kolonyalismo sa buong kontinente. Ang ating republika at tagumpay laban sa kolonyalismo ang naging inspirasyon o simula ng pagnanais makawala ng iba nating karatig-bansa sa pananakop ng mga dayuhan.

Ang pambihirang pagkakaisa ng Sambayanang Pilipino sa edsa noong 1986 naman na People Power Revolution ay hindi lamang hinangaan sa buong mundo, ito rin ang nagsilbing inspirasyon upang matagumpay na makamit ng ibang bansa ang maging malaya at itanghal ang demokrasya sa mapayapang paraan.

Tunay nang nanguna ang ating bansa. Muli ay nagkaisa tayo sa Edsa dos upang mapalaya ang sambayanan mula sa malaganap na katiwalian. At nang ako ay naluklok bilang bagong pangulo, hiniling ko na isantabi na natin ang hidwaan at 'di pagkakaunawaan. Sama-sama tayo muling itayo ang ating pagiging isang bansa.

Sa pagkakataong ito ay inuulit ko ang panawagan sa lahat ng ating mga kababayan na muli tayong magkaisa. Ating higpitan ang pagkakapit-bisig upang malunasan ang kahirapan at manguna tayong muli sa mga demokratikong diwa at gawa sa ating rehiyon.

Mahirap ang ating pagsisikap. May lumabas na balita na ang American hostage na si Ginoong Guillermo Sobero ay pinugutan na ng ulo ng Abu Sayyaf bilang regalo sa akin sa araw ng ating kalayaan.

Hindi pa namin nakukumpirma hanggang ngayon iyung report sa isang radio station sa Mindanao. Ginagawa ng armed forces ang lahat para makumpirma ang alegasyon ng mga tulisan.

Nagdarasal ako na sana ay walang katotohanan ang balitang ito. Umaasa pa rin ako na mangibabaw ang takot ng mga miyembro ng Abu Sayyaf sa panginoon.

Magkaganon man, ito'y nagpapatotoo lamang sa pagiging berdugo at mamamatay tao ang mga Abu Sayyaf na walang awa at walang patawad sa buhay ng tao para lamang makakuha ng salapi. Lumalabas na salapi ang kanilang panginoon.

Ang galit ng taong-bayan ay umaapaw na. Ang ginagawang pandurukot ng mga Abu Sayyaf sa mga inosenteng civilian ay labag sa batas ng kristiyanismo at ng Islam.

Huwag sanang akalain ng mga bandido na lumalambot ang pamahalaan.

Minamahal kong kapwa Pilipino, ang ating pakikibaka para sa kapayapaan, katahimikan at kalayaan ay hindi lamang dapat maiwan sa isang kabanata ng ating kasaysayan. Ito ay dapat magpatuloy ngayon at araw-araw sa ating mga buhay hanggang makaya natin maligtas ang lahat ng pilipino mula sa parusa ng labanan, pansamantala at kahirapan.

Wala pong katapusan ang ating pagsisikap tungo sa tunay na kapayapaan at kalayaan hanggang ang bawat pilipino --lalung-lalo na ang maliliit at maralita -- ay nabubuhay na mapayapa, marangal at maunlad.

Ito po ang natatanging mithiing inaasahan kong panggagalingan ng pagkakaisa nating lahat ngayon at sa harap ng anumang hamon ng panahon.

Itong araw na ito, sa ating pagdiriwang ng 103rd na anibersaryo ng kalayaan ng Pilipinas, nananawagan ako sa lahat ng pilipino sa lahat ng lugar na tumulong sa pagtayo muli ng ating bansa tungo sa higit na kapayapaan, kaunlaran at prosperidad.

Ang araw na ito ang unang araw ng kalayaan sa Pilipinas sa bagong siglo at bagong milenyo. Ito rin ang unang araw ng kalayaan sa ilalim ng aking administrasyon. Sana ay magkaisa na ang buong bayan para makipagsabayan tayo.

Sa pagkakaisa ng layunin ng pamahalaan at taong-bayan, sa wakas ay sana makamit ng ating inang bayang Pilipinas ang kaginhawaan at kasiglahan na matagal na nitong pinapangarap.

Mga kababayan ko, sa gitna ng mga simbolo ng ating kasarinlan at kalayaan, humihingi ako ng inyong tulong at tulong ng poong maykapal. Samahan ninyo ako, magkapit-bisig tayong lahat upang ibalik ang kapayapaan at katahimikan sa ating kapuluan. Magkaisa tayo upang ganap na labanan ang kahirapan sa ating bansa. Magtulong-tulungan tayo upang mabilis na isulong ang ating ekonomiya at magdulot ito ng higit na kapakinabangan sa lahat ng ating mga kababayan.

Minamahal kong kapwa Pilipino, sa araw ng ating kasarinlan, mabuhay tayong lahat, mabuhay ang republika ng Pilipinas! Maligayang araw ng kalayaan sa inyong lahat! At bayan, tayo ay magkaisa!

Maraming salamat sa inyong lahat.