Below is great example of a traditional speech in Tagalog. It was given by Ms. Pilar J. Lazaro Hipolito at Bagumbayan, in commemoration of the 10th year after the execution of Filipino national hero Jose Rizal.
(Palakpakan, spelled Palacpacan the old-fashioned way, refers to the applause from the audience.)
Talumpating Binigkas Ng Bb. Pilar J. Lázaro Hipolito Sa Look Ng Bagumbayan, Alang-alang Sa Ika-Sampung Taon Ng Pagkakabaril Sa Ating Bayani
Bayan kong pinaka-iirog: Ang unang pinasasalubungan ng maligayang pagbati at pagpipitagan, sampu ng lahat ng mga napipisan, lalong lalo na ang mga ginoong bumubuo ng pagpapaunlak sa karangalan ng dakilang Rizal na kasalukuyang ipinagdidiwang ng kapuluang Filipinas, kayo’y hinahandugan ngayon ng di-mabilang na pasasalamat, sanhi ng pagkatanim sa kaibuturan ng puso ng araw na itong di ko rin nililimot.
Bagaman kulang pa sa tapat na kagulangan ang kutad na pag-iisip sa tungkuling ngayo’y ipinamahala, datapuwa, pinagtamanan kahit anong hirap, makatupad lamang sa adhika ng mga kapatid sa mabigat na pasaning ako’y maging isa sa magpapaunlak, sa pamamagitan ng bigkas, gayon sa pamimintuho sa Bayan kong kinamulatan.
Kung ang pupulas sa labi sa oras na ito ay kulang sa timyas, ang madlang naiipon na ang makatatarok ng̃ lalim ng̃ aking pagkapahat, ng̃uni magiging isang pamukaw, isang pagkantig sa pintuan ng̃ kalooban, bagay sa karamihang nagwawaksi pa ng̃ tunay na damdamin at sumasampalataya sa hiduang aral ng̃ mg̃a nagkukubling halimaw na nag aanyon mabait, bago’y kaaway ng̃ kagaling̃an, na di pa nasiyahan sa tinalikdang pagtatamasa ng̃ mg̃a kahirapan, kundi bagkus namamalagtas sa lalong pag-api at pagdustang nakalalagim sa isang hindi nang̃imi sa kamatayan makapagbukás sa tulóg na loob ng̃ kanyang kababayan, at naging mananakop ng̃ Filipinas sa paghahayin ng̃ buhay ng̃ ikatutubós sa tanán, ng̃uni, ¡anong hapding salang̃in! ¡anong pait namnamin! kung madilidiling yuko sa dating kaugalian ang pinaghabinlang ilán ng̃ kanyang mg̃a talinghaga.
¿Ibig ninyong makilala? ¡ah! wala akong karapatang tumurol at sukat na lamang ipatalastas ang nakapanghihilakbot na usapan ng̃ mg̃a lahing Lakandula rin, upang mang̃akilalang sila’y dapat pakasumpain, na anila’y: Si Rizal ang tunay na may kasalanan at nagkalat ng̃ kaguluhan at kahirapang tinatangkilik ng̃ayon ng̃ Bayan, mg̃a pang̃ung̃usap na di napag labanan ng̃ puso kong iwi at naramdamang lumuha ng̃ dugó, at naipukol naman tuloy ang wikang: bakit hindi mang̃atal at mapipi ang kumakatal ng̃ walang katotohanan; datapua’t ng̃ makapaghunos dili sa paglalatang ng̃ galit sa sumandaling iyon ay dagling binawi at pinapaghari ang kapatawarang naisigao ang mahalagang bigkas ng̃ Póong si Jesús, ng̃ napapako sa Kruz ng̃ kasalanan: Dios ko sila’y patawarin mo sapagkat hindi nalalaman ang kanilang guinagawa (Palakpakan).
Talastas ng̃ lahat ang Bayan sinilang̃an ng̃ ating ipinaggagalak ng̃ayon, iyang dakong sinisikatan ng̃ maliwanag na araw, na pinamumutiktikan ng̃ mg̃a bagong silang na pagmamalasakit, diyan sa Kalamba, niyong ika labing siyam ng̃ Junio ng̃ taong isang libo, walong daa’t anim na pu’t isa, sa makatuid, ganap na apat na pu’t limang taon limang buan at labing isang araw ng̃ayon, at buhat naman ng̃ gupuin ang kanyang iniing̃atang buhay ng̃ mg̃a lihim na kaaway, ay sampung taon ng̃ayon walang kulang.
Bakibakiin mg̃a napipisang kaguinoohan kung anong tabák ng̃ mapanglupig ang lumagpak sa ulo ng̃ mg̃a Bayaning nagsipagnasang humawi ng̃ mg̃a kalihimang mapagparusa, panaho’y tumatakas at tumatakbong matulin ng̃ wala pang ninikat na pag-asa, iyang pag-asang pag-aagawanan pa kung totoong mapa atin na. Siya’y hindi nalulupaypay kahiman nauumang sa bagsik ng̃ paratang, nagpatuloy sa layong pawang ikagagaling natin, ng̃uni hindi kinilalang utang na loob ng̃ mg̃a sumasamba sa kapangyarihan ng̃ mg̃a mapagbalat kayóng wari ay katulong bago’y tunay na kalaban.
Bahagya pang tumutuntong sa guhit ng̃ pagbibinata, ay nagpakilála na si Rizal ng̃ nakahahang̃ang katalasan ng̃ pagiisip, kaya’t minarapat ng̃ magagandang pusong kanyáng magulang na papag-aralin dito sa Maynila, at hindi naman nalaon at nagpamalas ng̃ katalinuhan, at sa katotohana’y lalabing tatlong taon pa lamang ang gulang ay sumulat at kumatha ng̃ melodramang tula, na pinamagatan ng̃: Junto al Pasig, at saka isinunod ang A la Juventud Filipina, El konsejo de los Dioses at iba pang nakalulugod.
Tayo naman, lalo na kayong mg̃a kabinataang dumog sa pag-aaral, kunang halimbaua ang kanyang mg̃a pagsisikap. Si Rizal, hindi dito lamang sa Filipinas tinuklas ang kaaya-ayang karunung̃an, kundi naglakbay sa España, niyong taong isang libo, walong daa’t walong pu’t dalaua, sa pang-ulong bayan nito, sa Paris, sa Bruselas sa Berlin, sa Londres, sa Gante at sa mg̃a pang̃ulong Kiudad ng̃ Rhin at doon natutuhan ang ukol sa pangagamot, «Filologia», «Etnologia», «Filosofía» at «Letras».
Iniwagayway ang nakamtan sa pagtitiyaga sa Kapuluang ito, ng̃uni agad hinarang ng̃ mg̃a malikmatang mapagpahirap, sapagka’t hindi maglalaon kung pababayaang magpapatuloy, at lilitaw ang itinatago-tago at kinikipkip na kalayaan ng̃ Filipinas, gayon man, hindi tumudla ng̃ makamandag, at sukat ng̃ tinugon ang pang̃ung̃usap nila ng̃ papaganito: «Na ang lahat ng̃ mg̃a lahi ng̃ tao ay nagkakaiba iba lamang sa kanilang mg̃a anyo, ng̃uni alinsunod sa Psikologia, ang maputi, ang abo-abo, ang madilaw, ang kayumangui at ang maitim ay magkakaisa ng̃ karamdaman, nagkakawang̃is ang mg̃a umuudyok na budhi at hilig na magpapatibok ng̃ puso, ang pinagkakaibhan lamang ay ang paraan ng̃ pagsasaysay ó paggawa.»
«Na walang napagkikilala ang mg̃a Antropologo kundi ang mg̃a lahi; na ang napagmamalas lamang ng̃ mg̃a mapagmasid ng̃ mg̃a pamumuhay ng̃ bawa’t nakión, ay ang pagkakaiba’t iba ng̃ kalagayan, ng̃ mayama’t mahirap, ng̃ mahal at timawa. Na sa mg̃a nayong lalong mg̃a paham ng̃ Frankia at Alemania, ang lalong marami sa mg̃a nananahan doo’y kasing pantay rin ng̃ kalagayan ng̃ pag-iisip ng̃ mg̃a tagalog, at ang kulay ng̃ balat, pananamit at wikang guinagamit ang bilang kaibhan lamang.»
«Na ang pag-iisip ay tulad sa mg̃a kayamanan at kung may mg̃a nakiong mayaman at mahirap, ay may mg̃a tao ring mahirap at mayaman: Kung may nagbabalak na taong siya’y ipinang̃anak na pagdaka’y mayaman, ang gayong tao’y namamali, sapagka’t siya’y sumilang ng̃ hubad na kawang̃is ng̃ alipin at iba’t iba pang lubhang mahahalaga, (Noli me tangere dahong ikapito).»
Pinag-inutan din niyang sinulat ang Noli me tangere na naghahayag ng̃ sari-saring halimbawa, na isinawikang frankes ng̃ taong isang libo, walong daa’t walong pu’t siyam ng̃ mang̃ang̃alakal na kapisanan ni Stokk, gayon din ang isinulat ni Dr. Morga na kanyang dinagdagán ng̃ mg̃a paliwanag ng̃ siya’y makapangaling sa Japón at Norte Amerika na nanahan sa Londres. Sa Madrid ay nagbukas ng̃ isang pahayagan ng̃ taong isang libo walong daa’t siyam na pu at pinamagatang Solidaridad, pahayagang tuwing ika labing limang araw, at ang mg̃a katulong sa pagsulat ay sina guinoong Markelo H. del Pilar, Grakiano Lopez Jaena, Dominador Gomez at iba pa.
Dito’y mahihinuha na ang kanyang katalinuhang kalakip ang pagsasangalang sa Bayan, sapagkat tumanghal ang kanyang pang̃alan sa pamamagitan ng̃ pakikibaka sa mg̃a kalapastang̃anang kumakalat sa mg̃a paglulubog sa matwid hangang binawiang buhay ng̃ hindi sa sakit kundi sa bilis ng̃ punlong pamatay ¡Oh katiwalian ng̃ panahon! Bahagya pang umuusbong ang larawan iguinuguhit sa dulo ng̃ mg̃a sandata ay isinabog na ang apoy ng̃ kapahamakan ng̃ isang namamahalang nakuha sa kintab ng̃ kayamanan, dinaig ng̃ kapangyarihan at nagwasak ng̃ mahusay na pananangkilik.
¿Natupad kaya ang nais na hadlang̃an ang bawa’t tung̃o ni Rizal? ¡ah! hindi ng̃a at lalong nagsigla, bagkus nag alab ang sidhi ng̃ namumuksa, sumulak ang dugo at mandi’y iniukit sa pitak ng̃ dibdib, kaya’t hindi tinugutan hangang sa maibagsak ang pamamahalang walang matuid na pinananangnan ang sulsol at hikayat ng̃ ilang malabis nating kinapopootan.
Sa guitna ng̃ di maulatang pagpipighatí at pakikipanayam kay Simoun, ay nagsalita nitong sumusunod.
«Isang Dios ang nagpaparusa sa kakulang̃an ng̃ pananampalataya sa pagkagumon sa masamang hilig, sa kasalatán natin ng̃ dalisay na pagsinta sa kinamulatang lupa at sa madalás nating pagpapaunlak sa mg̃a kababayang nabubuhay sa pagpapahirap sa mg̃a dukha, karapat dapat ng̃a, lubha ng̃ang karapat dapat na ating tiisin ang bung̃a ng̃ ating mg̃a kagagawan at tiisin naman ng̃ ating mg̃a anak, iyan ng̃a ang Dios ng̃ kalayaan, guinoong Simoun na siyang sa ati’y pumipilit na ating iruguin ang kalayaang iyan, upang hwag na lubhang magbigay kabigatan sa atin. Hindi ko sinasabing ating paghanapin sa patalim ng̃ sandata ang ating iguiguinhawa, sapagka’t hindi kailang̃an ang espada sa ikagagalíng ng̃ Bayan, datapwa’t tutuklasin natin ang kagaling̃ang iyan sa pamamagitan ng̃ karapatan, sa pagbibigay unlak sa katwiran at sa sariling kamahalan ng̃ isang tao, sa pagsintang dalisay sa tapat na asal, sa ano mang bagay na mabuti at sa ano mang kadakilaan hangang sa ihayin ang buhay sa kamatayan, at pagka dumatíng na ang Bayan sa gayong mataas na kalagayan, ang Dios ang sa kanya’y nagbibigay ng̃ sandata at nabubulíd ang mg̃a nagpapasamba, nabubual ang mg̃a tampalasan, katulad ng̃ pagkalansag ng̃ mg̃a bahay bahayang baraja. Tayo rin ang may gawa ng̃ ating mg̃a pagdaralita, hwag nating bigyan sala ang sino man kundi liniling̃ap at pinababayaang tayo’y apihin ng̃ kalupitan, sapagka’t kung makita sana niyang tayo’y nahahandang makitungali at magtiis ng̃ kahirapan dahil sa pagsasangalang ng̃ ating katuiran, maniuala kayong ang di dumiding̃ig na iyan ang siyang una unang magkakaloob ng̃ kalayaan, datapwa’t samantalang hindi tinataglay ng̃ Bayang Filipinas ang kasukatang lakás ng̃ loob upang isigaw na nakatunghay ang noo at hubad ang dibdib sa kanyang karapatang magtamó ng̃ katuirang makisalamuha sa lahat at papagtibayin ang katuirang iyan ng̃ kanyang sariling dugó; hangang ating nakikitang ang mg̃a kababayan nati’y sa sariling kalooba’y nagdaramdam ng̃ hiya at diniring̃ig ang atung̃al ng̃ tinig ng̃ masamang budhi na nagng̃ing̃itng̃it at tumutol na sa hayag ay ayaw umimik at nakikisang-ayon sa nagpapahirap upang kutyain ang pinasakitan at pinarurusahan, samantalang nananatili ang ating mg̃a karugo sa taksil na asal na walang iniibig kundi ang sariling kagaling̃an; ¿bakit sila’y bibigyang kalayaan? Na sa sa kamay man at wala ng̃ iba, sila’y magkakagayon din at marahil ay lalong sasama pa sa dati. ¿Anong kabuluhan ng̃ «Independenkia» kung ang mg̃a busabos ng̃ayon ay siyang kinabukasa’y magmamalupit? At walang salang sila’y mananampalasan ng̃a, sapagka’t umiibig sa katampalasanan ang sa katampalasana’y sumusunod Guinoong Simoun, samantalang hindi nahahanda ang ating Bayan, hangang tumutung̃o sa pakikihamok ang ating mg̃a kababayan dahil lamang sa sila’y dinaya ó ipinagsumulong, na walang maliwanag na pagkakilala ng̃ kanilang dapat na gawin, ay malulugso ang lalong pantas at mabuting balak, at mabuti pa ng̃a namang mawaksi, sapagka’t…. ¿ano’t ibibigay ang panali ó pangapos sa nang̃ing̃ibig sa kanya, kundi din lamang tunay na sinisinta? (Noli me tangere, mg̃a dahong 13,14 at 15.)
Ating panimbulanan ang kanyang mg̃a sinabi, patuluyang sampalatayanan na siyang makapaghahatid sa ating ikaguiguinhawa, at sumandaling pakaisipn ang mg̃a makabubuhay na pananalita na dapat itanim kailan man ng̃ mahinang puso at tutupin ang dibdib at itanong sa sarili:
¿Taglay na baga natin ang kinakailang̃ang tapang ng̃ loob, upang biglang pakaualan ang pinagtitipunan ng̃ bukal at minimithi?
¿Kupás na kaya na di muling sisilang ang kalimitang mangyari na hindi na nakatutulong sa pagtatangol ng̃ karang̃alan ay nakabibigat pa sa pagdamay sa mg̃a mapagparusa ng̃ paglibak at pag-oyam sa ibinabang̃ong katuiran?
¿Nalipol na kaya dito sa atin ang lahi ni Iskariote at ni Galalon na nagpahamak sa kabalat sa pamagitan ng̃ karimarimarim na paglililo?
¿Pusó kaya’y tumitibok ng̃ naaayos at di napapatlang̃an sumandasandali ng̃ mg̃a ibang damdamin?
¿Ang kaual kaya ni Kain na pumatay ng̃ lamán ng̃ kaniyang lamán at dugo ng̃ kaniyang dugo sa udyok ng̃ mapang̃anib na pananaghili, ay wala na kaya rito?
¿May pagyayakap na kayang maaasahan, yayamang dapat sa isang hirap ó ginhawa tayo mamahay?
¿Hindi na kaya naghahari sa kalooban ng̃ marami sa atin ang malupit na asal na mapagaling lamang ang kanyang sariling katawan ay hindi na inaalintana ang kahabaghabag na kinasasapitan ng̃ lupang kinakitaan ng̃ unang liwanag?
¿Naubos na kaya sa sangkapuluang ito ang mg̃a nagsisi-irog sa kaalipnan, kaya sa kaalipna’y nagsisisuko?
¿May dugo pa kayang may dung̃is na kataksilan sa ating mg̃a kalahi?
¡Ah! ang kanilang loob ay hindi matuturing̃an hangan sa di naipamamalas sa gawa, pagkat kung aking pakimatyagan baga man sa harapang ito ay nagkakatusak ang nakikipagdiwang sa mabunying Rizal, may mang̃ilan ng̃ilan ding binabayo ang dibdib sa matinding pag kagalit na hindi lamang maibulalas pagkat daig sila sa bilang ¡oh kay saklap na matalos! Sayang ang bayang humahanap ng̃ ikalalaya kung sa bawa’t pulutong ay may nasising̃it na palamara. (Palakpakan).
¿Hindi dapat pagtakhan, sapagka’t ang dakilang Jesús ay Dios ng̃ humirang ng̃ labing dalawa lamang na kaniyang kakasamahin ay may nalahog na isang Judas, ¿gasino pa kayang hindi magkaroon ng̃ libo libo at laksa laksang namamayan?
Takpan ang paning̃in sa paglakad ay malaking kamalian; gapusin ang kamay, lalong kahiduaan at kung susian ang bibig sa paglalathala sa harap ng̃ may kapangyarihan ng̃ ating lubos na kabihasnan at karapatán, ay isang bagay na hindi totoong katampatang pabayaan, sapagka’t ang dilang nakakabit sa ng̃alang̃ala ay tanda ng̃ pagkapahamak, pagka-alipusta sa pagkalubog ng̃ bayan, at kung walát na ang Bayan ay lansag-lansag na rin ang namamayan (Masigabong palakpakan).
Hwag nawang magkaganito, ng̃uni ang sagabal ng̃ mg̃a mapagpiguil ang siyang nakapagpapasindak at nakapagpapaudlot sa bawa’t maguing bukal ng̃ loob ¡oh! sayang na buhay kung magkakaganitong mang̃ing̃ilabot sa bantang sinung̃aling, at kung tunay na namamayang may wagás na pag-ibig sa Bayang pinagkautang̃an ng̃ unang liwanag, ay makapag-wiwikang «minsan akong nabuhay ay «minsan naman akong mamatay sa harap ng̃ Bayan.» (Palakpakan.)
Ng̃ayo’y araw na kalumbay-lumbay, araw na ipinagsaya ng̃ mg̃a humatol na Ulupong at ang araw ding ito nang taóng isang libo, walong daa’t siyam na pu’t anim at sa bagong pamimitak, sa kasilang̃anan ng̃ Astrong tumatanglaw sa boong sangsinakpan, ang Bagumbayang itong ating kinaiipunan ay siyang naging saksing tayo ay lalong iniluklok sa karang̃alan, pagkat pinatay ang isang Rizal, hindi magtatagal at may sisipot pang dalawa, tatlo ó daan mang kaloobang Rizal.—(Palakpakan at bravo.)
Natulad ng̃a ang umagang iyon sa kulung̃an ng̃ mababang̃is na hayop na may mabibisang kamandag ang look na itong ng̃ayo’y tanda rin ng̃ ating pagaalaala sa kanya, siya’y naliliguid ng̃ mg̃a artillerong buhat sa kuta ng̃ Santiago na inihatid dito, upang tuparin ang mg̃a maling kahiling̃an at kahatulan, at pinanood ng̃ mg̃a naggagandahang babaye na ang suot ay katulad ang mg̃a pananamit ng̃ mg̃a salaula ng̃ unang panahon sa Roma sa isang pagpipista sa Koliseo. (Palakpakan).
¡Oh lalong kalupitan! sa biglang putok ng̃ mg̃a baril na pamatay ay sinabayan pa ng̃ hiyawang viva at bravo ng̃ mg̃a kaharap doon, ng̃ lumagpak na ang katawan ng̃ Bayani, at siya na yatang pinakadasal binyagang ipinailanglang sa lang̃it.
Nasunod ang pita, ng̃uni lalong ginhawa ng̃ matapos, sapagkat unti unti ng̃ sumilang ang maliwanag na tala ng̃ kaginhawahan, siyang pagkahawi ng̃ pinid na itinabing sa ating mg̃a mata at pagkawaldas ng̃ tanikalang iginapos.
Ang panglao ng̃ umaga ng̃ taong iyon ay naging liwanag na mistula sa ng̃ayon, at kung ang kanyang mg̃a gawang magaling ay na sa sa puso nating lahat, asahang ang pagtatagumpay, hindi maglalaon at atin, atin, atin, atin. (Palakpakan).
Si Rizal ang nag-ulat ng̃ mg̃a katotohanan, si Rizal ang humarap sa lalong pinakapang-ulo ng̃ kapuluan, si Rizal ang di nang̃iming maghayag ng̃ kanyang damdamin, si Rizal ang nagpakilala ng̃ matuwid na niyuyurakan at siya rin, si Rizal, si Rizal ang ng̃ayo’y nakakaharap, iyang kinainguitan ng̃ mg̃a manlulupig.
Hwag magugulantang mg̃a kapatid na nakikinig, dagdagan ang ating pagsisigla sa taón taón yayamang ang Norte Amérika ma’y nalulugod din kung pinupuri ang bayaning nagligtas sa Bayan, sapagka’t silá ma’y nagkaroon ng̃ isang Washington na ipinagdidiwang: ang kulang lamang sa atin ay ang magkaroon naman ng̃ isang araw na kaparis ng̃ kanilang ikaapat ng̃ Julio. ¡Oh kailan ka pa darating! (Palakpakan).
Nakilala na ninyo ang mg̃a katamisan ng̃ isang biyaya, kaya huag magpabaya, papag-ibayuhin ang galak, huag ibaon sa limot ang kaniyang mg̃a habilin, siya’y huag hiualayan ng̃ papuri, yayamang ang dakilang Rizal na anak ng̃ Filipinas ang naguagayuay sa himpapawid ng̃ ating kaligayahan.
Dalang̃inan siya, pakamahalin, sambahin ang mg̃a aral, masdan ang mukhang iyan ni Rizal, iyang larawang Washington natin na tumuklas ng̃ sarisaring hiwaga na nakakubli sa mata ng̃ madla, na ng̃ayo’y hindi kaila at kilala ng̃ kalahatan.
Sulong tayo, pagpisanpisan ang hiyaw na: «¡Mabuhay ang Filipinas!» ¡Mabuhay ang Norte Amérika! ¡Mabuhay ang habilin ni Rizal!
Nasabi ko na.
That is the traditional way of ending a Tagalog speech!