Ali Mudin, Sultan of Jolo

Ali Mudin was a famous convert to Christianity. 

 

The following biography of Ali Mudin was written in Tagalog  by Jose N. Sevilla at Tolentino in the early 1920s.

 

TALAMBUHAY NI ALI MUDIN

 

Si Ali Mudin ay isá sa mg̃a lalong̃ nápabantóg na Sultán sa Huló. Siyá ay anák ni Maula na napabilang̃ sa mg̃a lalong̃ litáw na Harì sa nábang̃gít na Pulô. Ang̃ magamáng̃ itó kailán ma'y hindî napasuko nang̃ hukbóng̃ kastilà anó mang̃ sikap ng̃ ginawâ upáng̃ lupigin ang̃ kanilang̃ kaharian.

Nang̃ humalili si Ali Mudin sa kanyáng̃ amá ay sinikap ng̃ mg̃a kastilà na magtamó sa kanyá ng̃ isáng̃ kásunduan, at sapagka't si Ali Mudin ay maibigín sa kapayapaan ay nagpadalà sa Maynilà ng̃ limáng̃ sugò, niyaong̃ Enero ng̃ 1737 upáng̃ makipagtalo sa mg̃a mung̃kahing̃ kásunduan ng̃ mg̃a kástilà.

Sa mg̃a sugong̃ itó ay kabilang̃ siná Dadia Deila, Radia Poot Salikaya at si Panduta Mahomed Ismalis. Ang mg̃a sugóng̃ itó ng̃ Sultan na si Ali Mudin ay siyáng̃ nang̃asiwà sa pakikipagkásundô sa mg̃a kastilà na pinagtibay niya sa Huló, at sa pinagkásunduán ay nabibilang̃ ang̃ mg̃a sumúsunód:

I.—Maghahari sa dalawáng̃ pang̃kát na nagkakásundô ang̃ kapayapaan.

II.—Ang̃ dalawáng̃ pang̃kát, o ang̃ mg̃a moro at mg̃a kristiano ay magtúlulong̃ na makipagbaka sa alin mang̃ kaaway nilang̃ dalawá.

III.—Magkákaroón siláng̃ dalawá ng̃ malayang̃ pagkakálakalan.

IV.—Sakaling̃ sino man sa dalawáng̃ dako ay puminsalà sa kang̃ino man sa kanilá o maghasik ng̃ sigalót sa isá sa kanilá, ang̃ naminsalà o sanhî ng̃ kapinsalaan ay magbábayad sa pininsalà ng̃ isáng̃ halagáng̃ híhigín ng̃ napinsalà.

V.—Magpapàlitan ng̃ bihag.

Si Ali Mudin ay nagíng̃ tunay na Harì, at ang̃ kanyáng̃ kapang̃yarihan ay kinilala ng̃ mg̃a kastilà hang̃gang̃ sa niyáong̃ taóng̃ 1749 ay sumirà sa kásunduan ang̃ mg̃a kastilà at si Ali Mudin ay nábihag at dinalá sa Maynilà niyaóng̃ Enero ng̃ taóng̃ nábang̃git.

Sa pagkábagsàk ni Ali Mudin ay humalili si Bantilan, isáng̃ dakilang̃ Datò ng̃ panahóng̃ yaón.

Nanahanan sa Maynilà si Ali Mudin na kasama ng̃ kanyáng̃ anák na si Israel na pinahintulutan ng̃ mg̃a kastilà na makapang̃aral sa Páaraláng̃ San José. Sa boóng̃ panahóng̃ ipinakipamayan ni Ali Mudin sa piling̃ ng̃ mg̃a kristiano ay nahikayat na pabinyág at ang̃ pang̃alang̃ iginawad sa kanyá ay Fernando I.

Pagkalipas ng̃ iláng̃ panahón, ay sinikap ng̃ Gobernador Obando na si Ali Mudin ay mábalík sa kanyáng̃ pagká Harì, at si Ali Mudin kasama ng̃ iláng̃ sasakyáng̃ punô ng̃ kawal ay tumulak na patung̃o sa Huló binaka nilá ang̃ mg̃a kutà roón hang̃gáng̃ sa nang̃ dî na máipagtang̃gol ng̃ mg̃a moro ay kaniláng̃ napasukò at isáng̃ panibago na namáng̃ kásunduan ang̃ linagdaán ng̃ mg̃a moro at ng̃ mg̃a kagawád ng̃ mg̃a kastilà.

Ang̃ mg̃a sasakyán ay lumayag na patung̃o sa Zamboanga at sa pagka't di nakasama si Ali Mudin sa mg̃a kastilà sa pagtulak na yaon ay sinapantahà ng̃ mg̃a kastilà na siyá ay nagtaksíl, at siyá, kasama ng̃ mahigit na dalawáng̃ daáng̃ kasamahán ay dinakip at mulíng̃ ibinalik sa Maynilà at ibinilang̃gô sa Fuerza de Santiago.

Buhat noón ay pinasimulán na ng̃ mg̃a kastilà ang̃ waláng̃ maliw na pagbaka sa mg̃a moro; ng̃uni't pawang̃ waláng̃ tagumpáy na masásabi na kaniláng̃ tinamo sa Timog ng̃ Kapuluan.

Hinilíng̃ ni Ali Mudin sa mg̃a kastilà na ang̃ kanyáng̃ anák na si Fatima ay pahintulutang̃ makapagbalík sa Huló, niyaóng̃ Febrero ng̃ 1753 upáng̃ magsikap sa ikapagharì ng̃ kapayapan doón, at ang̃ gayóng̃ kahiling̃an ay dining̃ig at pinahintulutan ng̃ mg̃a kastilà; bilang̃ bung̃a ng̃ paglalakbáy na itó ni Fatima ay nagtamó siyá ng̃ isang̃ sulat buhat kay Bantilan na nagsasabing̃ si Ali Mudin ay pabalikin sa Huló, upáng̃ magharing̃ mulî róon at lumagdâ sa isang̃ bagong̃ kásunduan ang̃ dalawáng̃ dakong̃ dating̃ magkaaway na mg̃a moro at kastilà. Ang̃ lahat ng̃ kahiling̃an ni Bantilan ay dinging̃ ng̃ mg̃a kastilà, subalit hinilíng̃ na si Ali Mudin ay palayain ng̃uni't mamámalagì sa Maynilà sa piling̃ ng̃ Arzobispo Rojo na siyáng̃ kumuha sa kanyá sa Fuerza Santiago at nagbigáy sa kanyá ng̃ isáng̃ táhanan at mg̃a lingkód.

Niyaóng̃ 1762 ang̃ Maynilà ay sinalakay ng̃ mg̃a Inglés at si Ali Mudin sa piling̃ ng̃ limampuô katao ay lumabás at nakibakang̃ kasama ng̃ mg̃a kastilà sa bagong̃ kalaban na dumadagsâ at humuhugos sa kamaynilaan.

Ipinamalas ni Ali Mudin ang̃ isáng̃ dî karaniwang̃ katapang̃an na katutubò ng̃ mg̃a moro at lubhang̃ maraming̃ Inglés ang̃ kaniláng̃ pinuksâ bagá mang̃ ang̃ Lunsód ay napasok at napasukò. Ang̃ mg̃a Inglés ay dî naglaón sa Maynilà at sa kaniláng̃ paglayas, sa kautusan ni Simon de Anda at Zalazar ay pinapanumbalik si Ali Mudin sa Huló upang̃ muling̃ lumuklók pa kanyáng̃ luklukang harì.

Gumawâ ng̃ isáng̃ línang̃in sa Balambang̃ ang̃ mg̃a Inglés na kaniláng̃ linibid ng̃ matitibay na kutà at sa dî pagkawilì dahilán sa ang̃ sigáw ay dî nilá matagalán ay lumipat sa isáng̃ pulô na malapit sa Huló. Ang̃ ganitóng̃ pang̃yayari ay dî minabuti ng̃ Sultan Mahomed at ni Israel na anák ni Ali Mudin, sapagka't dî nilá matiís na ang̃ kaniláng̃ lupaín ay ariin ng̃ mg̃a banyagà; at naghanáp silá ng̃ isáng̃ kátaóng̃ ikapagtatabóy sa mg̃a mang̃gagagá.

At ang̃ panahóng̃ itó ay dumatíng̃ niyaóng̃ bihagin ng̃ mg̃a kawal na Inglés si Dato Tenteng̃, isá sa mg̃a malalakás at pinaníniwalaang̃ Datò, at isá sa mg̃a maiinit na araw ng̃ Marso niyaóng̃ 1772 nang̃ makalayà na si Tenteng̃, ay nakipagalám sa mg̃a ibang̃ Datò na siná Dakula at Zamang̃go-Isaák, kasama ng̃ iláng̃ kawal na sumalakay sa kinalalagyán ng̃ mg̃a kawal na Inglés, at sa ganitóng̃ ságupaan ay nang̃ágsitakas ang̃ mg̃a Inglés sa mg̃a bang̃káng̃ lundáy na pinaghábol ng̃ mabibilís na sasakyáng̃ moro. Sinikap ng̃ Gobernador na Inglés na makipagkásundô, ng̃uni't dî tinalima ng̃ mg̃a moro at silá ay ipinagtabuyan at sa pagtakas ay nang̃aiwan nilá ang̃ kaniláng̃ mg̃a sasakyán, mg̃a kanyón, baril at apat na puô at apat na libong piso.

Namatáy si Ali Mudin sa Huló, ng̃ boóng̃ kasiyahang̃ loób, sapagka't náitabóy niyá ang̃ mg̃a manlulupig sa kanyáng̃ bayan.

Si Ali Mudin ay nagíng̃ tudláan ng̃ dî kawasang̃ paghang̃à ng̃ kanyáng̃ mg̃a sàkop.