Biography of Father Pedro Pelaez

Fr. Pedro Pelaez is called the Father of Secularization Movement in the Philippines. He graduated from the Colegio de San Juan de Letran in Intramuros, Manila.

 

TALAMBUHAY NI  P. PEDRO PABLO PELAEZ

Doctor en Teologia

Sa matuláng̃ lalawigan ng̃ Laguna ay dito sumilang̃ ang̃ marilág na si Parè Pedro Pablo Pelaez, at anák ng̃ mg̃a litáw na tao. Ang̃ kanyáng̃ amá ay kasalukuyang̃ Alkalde mayor niyaóng̃ ika 12 ng̃ Hunio ng̃ taóng̃ 1812, nang siyá'y iluwál sa maliwánag. Inalô ng̃â si Parè Pedro Pelaez sa duyan ng̃ kaginhawahan; ng̃uni't sa buhay na itó ng̃ mg̃a pagbabago ay kanyáng̃ dinanas ang̃ lahát ng̃ mg̃a dapat danasin ng̃ mg̃a laruan ng̃ palad at siyá'y naulila sa maágang̃ panahón ng̃ kanyáng̃ kabataan at, walâ namang̃ gaanong̃ naiwan sa kanyáng̃ pamana, ang̃ amáng̃ pumanaw, kayá't sa panahón ng̃ kanyáng̃ pag-áaral ay di gágaanong̃ pagsasakit ang̃ kanyáng̃ tinawíd bago namulat ang̃ kanyáng̃ kutád na muni sa malawak na gálawan ng̃ karunung̃an.

Maglálabing̃ isáng̃ taón pa lamang̃ siyá ng̃ masok sa Páaralang̃ Santo Tomás sa pamamagitan ng̃ «beca» dahil sa karang̃alan ng̃ kanyáng̃ mg̃a magulang̃ at ang̃ panahón ng̃ kanyáng̃ ipinagaral, ay siyáng̃ naging̃ sáligan ng̃ pamagát sa kanyáng̃ Pantás at Dalubhasang̃ Parè, na iginawad sa kanyá sa panahón ng̃ kanyáng̃ pamamayani sa buhay na itó ng̃ mg̃a dalamhati.

Boóng̃ kasyahang̃ loób na tinamó niyá ang̃ katibayang̃ «Bachiller en Fiosofía», «Bachiller en Teología», at «Licenciado en Teologia»; Kaparahunan noón ng̃ balitang̃ Pantás na Paring̃ kastilà na si R. P. Francisco Ayala, di nalaunan at tinang̃gáp ang̃ katibayan sa pagká «Doctor en Teología», kátaástaasang̃ karunung̃ang̃ mahihintáy na kamtin ng̃ isáng̃ Parè.

Dahil sa di niyá karaniwang̃ kapahamán ay nakasapit siyá sa Koro ng̃ Katedral at tinang̃gáp siyáng̃ «Canónigo de Gracia», ng̃uni't hindi niyá naaming̃ siyá'y mamalagi sa gayóng̃ parang̃ limós na katung̃kulan at siyá'y lumaban ng̃ páligsahan, at tinamó niyá ang̃ pamagát na «Canónigo Magistral».

Siyá'y may mg̃a kalilihiling̃ mg̃a sermón na lubháng̃ hinang̃aan at kanyáng̃ ipinalimbág sa Madrid niyaóng̃ 1860, sa kahiling̃an ng̃ kanyáng̃ mg̃a kasamahan na nagnanasang̃ maging̃at ng̃ kayamanang̃ yaón ng̃ kanyáng̃ diwà.

Sa pagka «Predicador» ay nápabantóg ng̃ gayón na lamang̃ si Parè Pelaez, at sa kanyáng̃ walang̃ tilang̃ pagaáral ay tinamó niyá ang̃ mg̃a katung̃kulang̃ «Juez Apostólico», «Comisario Subdelegado de la Santa Cruzada» at «Vicario Capitular en Sede Vacante» sa Siudad ng̃ Maynilà. Anáng̃ isáng̃ pahayag ng̃ «La Patria» tung̃kól sa Pareng̃ itó: «Ang̃ mg̃a karapatdapat na mg̃a Prelado na siná Ecmo. Señor D. José Seguí at José Arangoren ay nagpahalatá tuwî na ng̃ pagtatang̃i sa kakayaháng̃ hindî karaniwan ng̃ mg̃a hiyas na itó ni Parè Pedro Pelaez, at itinang̃i siyáng̃ pinang̃sang̃gunian tuwî na, lalong̃ lalò na ng̃ Preladong si G. Arangoren at siyá ang̃ kalihim nitó.

Yaóng̃ dakilang̃ utak na nápabantóg at nagtaás ng̃ gayón na lamang̃ sa kanyáng̃ lipì, ay pininsalà niyaóng̃ lindól ng̃ taóng̃ 1863 nang̃ gumuhò ang̃ Katedral. Namatay siyáng̃ gaya ng̃ isáng̃ bayani sa kapanahunang̃ ang̃ kanyáng̃ karilagán ay sumisikat, ng̃uni't ang̃ kanyáng̃ aláala ay laging̃ sariwà tuwî na sa kanyáng̃ mg̃a kababayan. At sa «Universidad de Santo Tomás» bilang̃ aláala sa kanyáng̃ kadakilaan ay ginawáng̃ pahiyás ang̃ isá niyáng̃ malaking̃ larawan, sa kaniláng̃ «Galeria de Ilustres personalidades» na iniing̃atan sa bulwagan ng̃ nasabing̃ Páaralan, bilang̃ tang̃láw marahil sa nang̃agsisipagaral doón.