Juan Luna, Painter

Juan Luna was born in Ilocos Norte on October 23, 1857, and died in Hong Kong on December 7, 1899.  Famous for three things:

1. His great painting Spoliarium, which won him the gold prize at the 1884 Madrid Exposition

2. Murdering his wife and mother-in-law in France, then being punished with a fine of one franc 

3. Being the brother of Antonio Luna, a general in the Philippine-American War

TALAMBUHAY NI JUAN LUNA Y NOVICIO


Sa isáng̃ maliít na bayan, sa Badók, Ilocos Norte, isáng̃ bayang̃ halos dî kilalá dahil sa kaliitan, ay nagíng̃ bantóg at kapuripuri dahilán sa pinalad na sibulán ng̃ isáng̃ taong̃ dakilà, na waláng̃ alinlang̃an masásasabing̃ siyáng̃ pinakádakilà at bantóg sa lahát ng̃ pintor na pilipino, siya ay si Juan Luna.

Ipinaganák siyá niyaóng̃ ika 23 ng̃ Octubre ng̃ taóng̃ 1857, isá sa mg̃a anák ni G. Joaquin Luna at Laureana Novicio, mapalad na magasawang̃ naghandóg sa Ináng Pilipinas ng̃ mg̃a anák na bayani. Si Antonio ang̃ dakilang̃ Heneral, si Juan, ang̃ dakilang̃ Pintor, si Joaquin ang̃ Gobernador, at si José Luna, ang̃ bantóg na mang̃gagamot.

Ang̃ kanyáng̃ pagaaral ay pinasimulán sa sariling̃ bayan at kanyáng̃ ipinagpatuloy sa «Ateneo Municipal», kung̃ saán siyá kinagiliwan ng̃ gayón na lamáng̃ ng̃ kanyáng̃ mg̃a guró: ang̃ unang̃ nagturò sa kanyá ng̃ pagguhit ay si G. Agustin Saez. Dito siyá nagpasimulâ ng̃ pagibig sa sining̃, na kanyáng̃ ikinápabantóg ng̃ gayón na lamang̃.

Buhat sa Ateneo ay lumipat siyá sa «Academia Naval», at nang̃ mátamó niyá ang̃ mg̃a katibayan sa pagaaral ay siyá'y sumakay upáng̃ ipagpatuloy ang̃ pagsasanay ng̃ kanyáng̃ pinagaralang̃ pagkamandadagat. Lálabíng̃ anim na taón siyá noón. Tinahak niyá ang̃ katimugan ng̃ dagat China at India, dinalaw ang̃ Singapore at Colombo, mg̃a bayan at lunsód na kanyáng̃ dinalaw, na nakapukaw sa kanyáng̃ pusò ng̃ marubdób na nais na dumakilà.

Niyaóng̃ 1874, nang̃ siyá'y lalabing̃pitohing̃ taón pa lamang̃ ay tinang̃gáp niyá ang̃ katibayang̃ makapaghawak na ng̃ ugit (piloto) ng̃ sasakyan sa matataás na dagat. Siyá'y lubháng̃ kilalá sa kanyáng̃ pagkámandaragát, ng̃uni't hindî itó ang̃ tunay niyáng̃ hilig, at baga mang̃ siyá'y hinang̃aan sa kanyáng̃ katung̃kulang̃ yaón na ginágampanán, ay tilá may bumubulóng̃ sa kanyáng̃ diwà na hindî yaón ang̃ kanyáng̃ dapat na pamalagian.

Samantalang̃ siyá'y náglalayág, sa Luok ng̃ Maynilà ay nagaral siyá ng̃ pintura, at ang̃ kanyáng̃ nagíng̃ Guró ay si G. Guerrero isáng̃ bantóg na pintor ng̃ kapanahunan. Iniwan niyá ang̃ pagkámandaragat at nasok siyá sa «Academia de Bellas Artes» sa Maynilà. Dito niyá nákilala ang̃ tunay na pagibig sa sining̃, sumiglá nang̃ sumiglá ang̃ kanyáng̃ sigasig at niyaóng̃ 1877 ay lumayag siyáng̃ patung̃o sa España.

Pagdating̃ na pagdating̃ niyá sa lupaing̃ itó ng̃ mg̃a Hari, ay nasok siyá agád sa «Academia de Bellas Artes de San Fernando», sa Madrid, at yáyamang̃ dî nakasísiyá sa kanyáng̃ hilig ang̃ pagtuturò doón ay bumayad siyá ng̃ isáng̃ tang̃ing̃ Guró upáng̃ siyá'y turuan sa sariling̃ tahanan at kanyáng̃ náhirang̃ si G. Alejo Vera, isá sa mg̃a lalong̃ dakilà at bantóg na pintór sa España.

Nagíng̃ matalik siláng̃ magkaibigan ng̃ bago niyáng̃ Guró at silá ay naglakbáy sa Italia niyaóng̃ 1878, doón sa pinagpasikatan niná Rafael at Miguel Angel at doó'y magkatulong̃ siláng̃ gumawâ sa dakilang̃ «Bayan ng̃ Sining̃». Niyaóng̃ magbukás ng̃ Tang̃halan sa Madrid, nang̃ taóng̃ 1881, ang̃ pang̃alan ni Juan Luna at nakapang̃gilalás sa mg̃a lalong̃ bantóg na pintór na kastilà at italiano. Ang̃ kanyáng̃ cuadrong «Ang̃ kamatayan ni Cleopatra» ay nagtamó ng̃ pang̃alawang̃ ganting̃ pala at isáng̃ medallang̃ gintô kalakip ng̃ isáng̃ libong̃ pisong̃ salaping̃ kastilà. Buhat noón ang̃ Tagalog ay nagkaroón ng̃ mabuting̃ pang̃alan sa Daigdig ng̃ Sining̃ at dî na ipinalagay na mg̃a «maninipì».

Nang̃ lumipas ang̃ tatlóng̃ taón, niyaóng̃ 1884 ang̃ walang̃ kamatayang̃ «Spolarium» ay lumabas sa maliwanag, at ang̃ gawáng̃ itó ni Luna ay nagtagumpáy sa daigdigan ng̃ sining̃, at ang̃ mg̃a papuri ay nagsikip halos sa Sansinukob. Sa kanyáng̃ karang̃alan ay pinigíng̃ siyá ng̃ mg̃a pilipinong̃ nanánahanan sa España. Lubhang̃ maraming̃ papuri ang̃ kanyáng̃ tinang̃gáp sa nang̃agsipanalumpati at isá rito ay ang̃ ating̃ dakilang̃ bayaning̃ Dr. Rizal na nagsabi ng̃ gayarì: «Paghawì ng̃ tabing̃ at makita natin ang̃ «Spolarium», ay máriring̃ig na natin, ang̃ tang̃isan ng̃ mg̃a alipin, ng̃ kakilákilabot na takot sa digmaan, at ang̃ taghoy ng̃ mg̃a ulila».

«Ang̃ tánawing̃ iyán ay siyáng̃ tunay na damdamin ng̃ lumikhâ at tagabadhâ ng̃ ating̃ kasalukuyan sa ating̃ tinubuang̃ lupà. Oo, ang̃ mg̃a kuadrong̃ ganyán ay dî lamang̃ umaliw sa ating̃ mg̃a matá, kundî nakikipagusap na banayad sa ating̃ puso.»

Lumipat siyá sa Paris at doó'y nakipagisáng̃ pusò sa isáng̃ anák ng̃ kastilà sa pilipina na pinang̃arapan niyá ng̃ isáng̃ kaligayahan sa buhay, at pinaghandugán ng̃ lahát niyáng̃ tagumpáy. Hindî siyá naglikát ng̃ paglilináng̃ ng̃ kanyáng̃ sining̃ at niyaóng̃ 1887 ay napa sa España siyàng̃ mulî upáng̃ itang̃hál sa Madrid ang̃ kanyáng̃ «Batalla de Lepanto» at ang̃ «Rendicion de Granada» na pawang̃ nagtagumpáy at nagtamó ng̃ gantíng̃ palà sa nasabing̃ Tang̃halan. Isáng̃ pigíng̃ na naman ng̃ mg̃a kalahì ang̃ nasaksihán sa Madrid na idinaos sa karang̃alan ni Juan Luna, ang̃ dakilang̃ Pintór. Si Lopez Jaena ay isá sa nang̃agtalumpatì.

Ang̃ katahimikan sa nagtatagumpáy niyáng̃ buhay, ay hindî nasiyahán mandin at sa loób ng̃ táhanan ay nanuluyan ang̃ ligalig, ang̃ kanyáng̃ katahimikan ay nahalinhan ng̃ isáng̃ «infiernong̃» napakainit, dinaráng̃ ang̃ kanyáng̃ pusò at sa haráp ng̃ dî dapat talimahing̃ pagupasalà ay nagkahalagá ng̃ isáng̃ buhay, at buhay ng̃ kanyáng̃ pinakamamahal pa naman: ang̃ sa kanyáng̃ minamahal na kabyák ng̃ pusò. Isáng̃ usapin ang̃ naging̃ buntót ng̃ sigalót na yaón; ng̃uni't pinawaláng̃ sala si Juan Luna ng̃ Húkumang̃ humatol.

Nang̃ mulíng̃ bumalik dito sa Pilipinas ang̃ ating̃ kalahing̃ itó ay pinaghinalaang̃ kinaalám ng̃ nang̃aghíhimagsík at niyaóng̃ 1896, siyá ay ipinadakíp at ibinilang̃gò. Ang̃ mg̃a dakilang̃ diwà ay hindî napipiit kahi't na sa loób ng̃ piitan, at sa gitnâ ng̃ gayóng̃ kalágayan ay gumawâ siyá ng̃ isáng̃ mainam na «Exce Homo» na kanyáng̃ ipinagkaloób kay Parè Rossell nang̃ siyá'y dalawin sa bilang̃guan.

Nang̃ tamuhin niyáng̃ pamulî ang̃ kalayaan, ay nanumbalik siyáng̃ agád sa Europa, ng̃uni't ang̃ pagibig sa sariling̃ lupà ay hindî magpatahimik sa kanya roón, kaya't mulî siyáng̃ nang̃layág niyaóng̃ Disyembre ng̃ 1899 upáng̃ bumalík sa sariling̃ bayan at siyá'y nadaán sa India, sa Java at sa Sumatra, naglagós ng̃ China at Hapón, ng̃uni't nang̃ siyá'y na sa Hong̃kóng̃ at papauwî na sa sarili ay nagkasakit siyá at násagupà niyá roón ang̃ kamatayan.

Namatay si Juan Luna at nalibing̃ sa ibang̃ Lupà, ng̃uni't ang̃ mg̃a dakilang̃ tao saan man mamatáy at saan mang̃ dako ng̃ daigdig málibing̃, ang̃ karang̃alang̃ kanilang̃ tinuklás at ikinábantóg sa daigdigan, ay hindî nakukuha ng̃ alin máng̃ bayang̃ hindî nilá sarili, sapagká't itó'y manang̃ hindî maáagaw ng̃ alin mang̃ lahì at bayan.

Karang̃alan ng̃â ng̃ Pilipinas ang̃ siyá'y magkaanák ng̃ isáng̃ kahang̃áhang̃ang̃ máninining̃, at kahit hindî siyá nahandugán ng̃ bahaging̃ libing̃an sa sariling̃ Lang̃it, ay nagliliwanag din duón ang̃ kapitapitagang̃ pang̃alan ng̃ anák na nagpakatang̃ì.


Luwalhatì sa iyo, dakilagng maninining!